Pagtingala sa Kalawakan ng Kawalan sa Miss Bulalacao

Malaki ang pagpansin ng pelikula ni Ara Chawdury sa patuloy na pagtingala sa kalangitan kaugnay ang magkakaiba at magkabilaang mga  kahulugang dala nito. Sa pamamagitan ng dumaraang bulalakaw na natanaw ni Dodong (Russ Ligtas), lalong lumalawak ang kalawakan nakamasid pabalik sa protagonistang lugmok sa putikan. Lumikha ito ng distansiyang hindi kailanman matutulay ng patuloy na pagtanaw lamang mula sa malayo at nagpaparamdam na hindi ito maaabot o mararating kailanman. Ito kung gayon ang nagtutulak para makita ang bulalakaw na naglalakabay sa kalawakan bilang heavenly body, senyal mula sa langit, at kagila-gilalas na bagay, lahat pawang may mga dalang bunga sa naratibo.

Isang panandaliang nakiraang bulalacao sa himpapawid na maaaring mahingan ng hiling, na marahil ay maialis mula sa pagkabalahaw mula kinalalagyang putik, na posibleng nagkatotoo o napagbigyan ng mga tala. Sa pagtinging ito, kung ang bulalakaw ang pinagmulan ng biyayang dinala ni Dodong, pagpapatibay ito sa nakagisnang paraan ng paghiling, lalo pa’t ang naging positibong bunga rito ay ang makaiwas o makalayo mula sa prehuwisyo (prejudice) at ang walang tigil na panghuhusga ng mga mamamayan sa gaya niya.

Ang naunang pagtinging ang binabali ng dala-dalang senyal mula sa kalangitan ng pagbubuntis ng pangunahing tauhan na halos katulad ng sa Birheng Maria. Malaki ang ginagampanan ng relihiyon sa sineng ito dahil tila himalang maituturing ang pagpapakita ng pagdadalang-tao ng isang lalaki. Lalo pang makikita ang masidhing pananalig sa magkakaibang pangyayari rito sa paraang napagsasama ang makabuluhang relihiyosidad at ang mabilisang pagbaligtad mula sa lohikal at lapastanganin ang pagtingin sa banal ng mga naging saksi sa pabubuntis ng dating kinukutyang lalaki. Marahang binagbag ang pagdududa ng mga ito hanggang maipatanggap nang tuluyan na ito marahil ang hinihintay nilang lahat na muling pagdating.

Higit na tatalon sa kawalan ang pag-unawa sa nangyayari nang ipakita sa huling bahagi na ang sanggol ay isa palang  alien. Kataka-taka, ngunit sa mundong iniinugan ng naratibo, totoo lahat ng ito at ipinatatanggap sa kabuuan ng pelikula na lahat ay posibleng mangyari kahit gaano pa ito kalayo sa imahinasyon. Ang isang kagila-gilalas na mga bagay o buhay mula sa labas ng planetang ito ang pinagmulan ng sanggol. Bagaman napapahapyawan ng sensibilidad na pantastiko, hindi lamang nakukulong sa tinatawag na marvelous realism ang paglalarawan sa mga pangyayari.

Naging mahalaga sa daloy ng pagkukuwento ang usapan ng mag-ina hinggil sa pagiging babae at ang wastong pagtingin sa kasarian o kung ano ang tunay na kinakailangan para maging ganap na babae. Pinatutungkulan ng ina (Chai Fonacier) ang pinagmumulang kasarian ng anak at ang mga puwedeng kaharapin kung sakaling malagay siya sa kalagyan ng ina at ang palpak na pagsasama ng mga magulang. Bagaman tahimik ang pag-uusap, makapangyarihang palitan ng mga salita sa pagitan ng dalawang makapangyarihang kasariang mahusay na inilarawan.

Muli’t muling ibinabalik ang protagonista sa dalamhating pinagdaraanan niya nang sa halip na sanggol, tumor pala ang tumubo sa loob ng kaniyang katawan. Bahagyang makikita ang ganitong naratibo sa pelikulang Phenomenon ni Jon Turtletaub na pinagbidahan ni John Travolta. Dito sinapit din ng pangunahing tauhan ang makakita ng liwanag at nakatanggap ng kakaibang talino ngunit sa huli, sintomas pala ng sakit na naging sanhi ng pagkamatay niya.

Sa kabila ng pagbibigay halaga sa inaakalang bagong Maria magsisilang sa bagong Hesus, at sa halos walang pagmamaliw na pagsamba sa nagdadalang-taong lalaki, nanatili sa lupa ang mga paa ni Dodong dahil sa dinadala sa sinapupunan ang ang bigat ng tinanggap mula sa langit, dinagdagan pa ng pagpasan sa suliranin ng tahanan. Nagustuhan ang atensiyong tinatanggap mula sa mga tao, ngunit tuluyang madama ang gloria, kaya ang mga mata’y nakatuon pa rin sa kalangitan, waring naghihintay pa rin ng mahihilingan. Makikita ito sa dalampasigan nang tumingala siyang mula sa mga ulap at sunod na pinahapyawan ang mga talampakan niya sa mga batong inaapakan. Hanggang sa pagtatapos, nanatili si karakter ni Dodong sa pinagmulan niya.

 

 

Miss Bulalacao Movie Review | Movie Analysis | Movie Criticism

Miss Bulalacao Film Review | Film Analysis | Film Criticism

 

Leave a comment