Pag-uwi sa Sinapupunan ng Manang Bring

Naibabaling ni Carl Joseph Papa sa kaniyang pelikula ang pagtingin sa tunay na mahalaga sa natitirang buhay ni Manang Biring (Erlinda Villalobos), mula sa pag-aasam na muling makita ang nag-iisang anak na si Nita (Cherry Pie Picache) patungo naman sa bilang nang mga araw niya. Maituturing na pagbabanggaan ng dalawang interes na mahalaga sa nakatatandang tauhan upang manimbang hinggil sa higit na nararapat paghandaan pagdating sa dulo. Nagawa ang paglilipat ng atensiyon dito sa paraang dinala ng mga pagpapasiya at mga pagkilos niya sa pagtugon sa lumalalang sakit, na tila napabayaan ang pag-aalala para sa supling na naunang lumiham na uuwi sa wakas. Higit pa sa takbo ng naratibo, magkasabay na inaaliw at nalilinlang ang mga nakatunghay sa pag-andar ng mga pangyayari dahil animation ang piniling medyum ng pelikula.

Kamangha-mangha ang pagkagawa ng mga trace sa live na mga kilos ng mga gumanap sa mga tauhan sa paraang katulad ng ‘A Scanner Darkly’ ni Richard Linklater ngunit ang malaking iniba ni Papa sa kaniyang obra ay ang hindi paggamit sa mga kulay at hayaang uminog sa puti’t itim ang buong palabas. Naging wasto ang pagpapanatili sa mga kulay na ito upang ihayag sa hindi tuwirnag paraan ang umiiral na temang black comedy rito. Naging kasangkapan ito para ikubli ang iba pa sanang emosyon na maaaring positibo na posibleng mapukaw ng balitang pagdalaw ng anak sa hinarahap. Nadidiktahan ng mga itim ang mentalidad na kumikiling sa pagiging madilim na takbo ng istorya kaya nananatili doon ang pagtingin habang ang mga puti at kakaunting mga gray ay mga pahapyaw lamang ng iilang mga pagsundot ng mga kagaangan ng mga biruan sa pagitan nina Eva (Mailes Kanapi) at Terrence (Alchris Galura).

Ang hambingang ginawa sa mga kulay ay lumalampas din naman sa biswal na paraan at mapapansin sa mga ilang kinalagyan ni Biring sa kuwento. Halimbawa nito ang walang katapusang pagbabangga ng Simbahan ng Quiapo at ng puwesto ng tindahan niya ng mga anting-anting at mga halamang gamot sa labas. Parikalang (irony) sa pelikula ang propesyon niya bilang tindera ng mga nakapagpapagaling na mga bagay na piniling magpagamot sa isang lisensiyadong doktor.

Maliban sa mga nabanggit nang mga pagbabanggaan, may mga kapansin-pansing naiiba sa buong daloy ng sine na mahahalatang tumataliwas sa normal na magtatanghal nito. May mga ilang sequence na mahihinuha bilang pananaginip ni Manang Biring na maaaring tumatawid na halos sa pagiging bangungot kung ang nilalaman lamang nito ang magiging basehan. Nariyan ang makita niya mula sa ibabaw ng hukay ang sariling nakalagak sa ilalim nang walang kabaong, at may bahagi rin namang halos wasakin niya ang apektadong bahagi ng katawan matapos niyang linisin ito. Ang malagim at marahas na pagtingin sa mga ito’y lalo lamang pinatitibay at napalalakas ng pagiging itim at puti ng pelikula.

Sa paggalugad sa mga posibilidad ng mga mailalahad ng dadalawang kulay, muli’t muling bumabalik ang pelikula sa pinagdaraan ng maysakit sa pisikal na mundo at kaugnay nito ang pagpapakita muli sa tinabunan nitong  paglalapit muli ng mag-ina. Kung bibilangin ang bawat buwan na lumipas sa takbo ng naratibo, aabot ito sa siyam na buwan. Ito ang bilang nga panahong ilalagi pa ni Biring sa mundo, ang dami ng panahon para maisaayos ang dapat magawa habang buhay pa siya, na samakatwid ay ang natitirang oras para paghandaan ang pagbabalik ng anak. Ito rin ang katumbas ng pagdadalantao ng bawat ina para ihanda ang magiging supling sa mundo. Kung gayon, ang siyam na buwang binanat o pinaikli rito ay maitutumbas sa pagbabalik ng mag-ina sa kani-kanilang mga pinanggalingang sinapupunan.

Magkaiba ang babalikan ng dalawa ngunit parehong metaporikal ang mga ipinahihiwatig na sinapupunan. Ang pag-uwi ni Nita ay maituturing na pagbabalik niya sa inang nagsilang sa kaniya habang ang pagyao ni Biring at kalaunang paglilibing ay pagbabalik naman sa lupa na pinagmumulan ng tao ayon sa Bibliya. Ang pag-uwi ng anak ay pawang pagbalik at pagpapatawad maituturing na liwanag, samantalang ang kamatayan ng ina ang dilim na nahuhulog sa dalawang kulay na pinili ng animation ng pelikula. Kung susumahin ang pinagdaan ni Manang Biring, ang siyam na buwang paghihirap niya ang humahalili sa pagbubuntis ng isang ina at pagkatapos noo’y makikita niya na ang anak na hinintay dumating. Subalit hindi magtatagal ang pagiging magkapiling nila sapagkat babawian na ng buhay ang ina kung kailan nagawa na niya ang tungkulin sa anak sa pagkapanganak.

 

 

Manang Biring Movie Review | Movie Analysis | Movie Criticism

Manang Biring Film Review | Film Analysis | Film Criticism

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s