Ang Mito ng Bayang Ginigising ng Hele sa Hiwagang Hapis

Sa pagtatapos ng nabigong rebolusyon nag-uumpisa ang pagtatanghal ng sine ni Lav Diaz at kung paanong inilalarawan dito ang kalagayan ng bayan, kung itinuturing pa itong bayan ng mga mamayan. Dito, ang bayan ay nasa bingit ng pagtawid ng siglo at pagpapalit ng mananakop. Ngunit nananatili pa ring nakapailalim sa kapangyarihan ng dayuhang mahigpit na nakakapit sa dinagit na huli. Kaya naman ang bayan sa Hele ay patuloy na naghahanap ng sinomang makapangyarihang makapagpapalaya mula sa kalagayang ito na hindi ikinabagsak ng mga bayani nasa bingit din ng pagkaubos. Kapansin-pansin ito sa hindi pagpapakita kay Rizal nang barilin siya sa Bagumbayan, at hindi pagtuon kay Bonifacio sa iilang eksenang kinabilangan niya. Sa madaling sabi, walang bayaning dapat pang asahan sasagip sa mga Filipino.

Mula sa malaking pagkatalo ng himagsikan sa Silang, ayon sa paglalahad ng Kapitan Heneral (Bart Guingona), maaaring nawala ang natitirang dahilan upang tawagin pa ang sarili bilang bayan. Kung kayang gawin ng tulad ni Cesaria Belarmino (Alessandra de Rossi) na magtaksil sa mga kababayan, gahasain ang sariling kababaihan, o patayin ang ang kapwa Filipino, hindi malayong wala talagang nabuong konsepto ng bayan. Ang nasasakupan ng mga Kastila na naghahangad ng kasarinlan ay hindi matatagpuan dahil isa lamang itong mito kagaya ng hinihintay nitong tagapagligtas na si Bernardo Carpio.

Ang Daigdig ng Hele sa Hiwagang Hapis

Mahahalata naman sa pagtakbo ng pelikula na may kakaiba sa interaksiyon sa pagitan ng ilang mga tauhan lalo kung sila ay napapabilang sa magkakaibang pangkat. Matutunghayan sa diagram sa ibaba ang tatlong grupong naghihiwalay sa mga tauhan at ang lugar nila sa daigdig na ginagalawan ng bawat isa. Ang mga tauhan ang nakapaloob dahil ang mga ito ang masasabing mga totoong nabuhay at dito kabilang ang mga Filipino. Dahil sa pangangailangan ay nilikha ang obrang pampanitikan ng isa sa nasa loob ng unang sirkulo at ang bunga nito ay ang Noli at Fili, ang batayan ng ikalawang pangkat. Ang imahinasyon ng tao ang nakatulong para lumikha ng mga pantastiko o kagilagilalas na mga nilalang na pinaniniwalang totoo at nasa paligid lamang kaya sila ang ituturing na ikatlong pangkat.

fig.1

Fig 1

Kung mula sa loob papalabas ang direksiyon ng paglikha ng tao sa panitikan at sa kaniyang mitolohiya, pabaligtad naman ang tinatahak na daan ng impluwensiya ng mga ito ayon sa pagkakalatag ng mga pangyayari sa pelikula. Mahihiwatigang hindi alam ng mga tao mula sa pangkat ng kasaysayan na nabubuhay ang mga mula sa nobela at ang mula sa mito, at ang galing sa panitikan ay hindi nalalamang kausap na nila ang mga nilalang ng mito. Pero tahasang mababakas na malay ang mito sa mga kilos ng mga tao at nabubuhay ang mga nasa Noli at Fili, gayundin, malay ang mga nasa nobela sa mga nangyayari sa kasaysayan gaya ng nangyari kay Rizal at kay Jacinto.

Maayos na inilatag ng Hele ang pagkakahati ng tatlong pangkat ng tauhan dahil may kani-kaniyang silbi ang mga ito. Ang Kasaysayan ang natunghayang mga pangyayari ngunit lipas na; sila ang nasa internal at tuwirang may pakialam makakikilos para sa ikabubuti ng tao. Ang Panitikan ang mga nabasang obra bilang katotohanang nagpasidhi sa pagnanais na lumaya; ang tagapamagitang nagpapamulat at nagpapakilos sa nagbabasa. Ang Mito at Pantastiko ang mga huling inasahang tutulong ngunit hindi nagkatotoo; isang eksternal na puwersang hindi maaaring lagyan ng kontrol.

Sa Loob ng Bayang Sawi at Nahihimbing

Marami-raming pekulyar ang itinanghal sa walong oras na pelikula na mahirap lumampas sa pagmamasid sa mahabang pagkababad sa daigdig ng Hele. Sinisimulan ito ng nag-iisang pakay ng Musikero (Ely Buendia) sa mga pambungad na eksena, ang dalhin ang bayan sa estado ng malalim na paghimbing. May digmaang nangyayari ngunit hindi ito buong ipinakikita at higit pang nasa likod lamang ito ng istorya. Maaabutan na lamang ang naiwang sugatan o namatay at maririnig ang ilang putok ng armas na hinding-hindi sasapat para gisingin ang sinumang napatulog sa makapal na gubat. Maihahalintulad ito sa pagkatulog sa awit ng Ibong Adarna sa gitna ng gubat na kinaroronan nito.

Nangingibabaw din ang silbi ng opyo sa para kay Simoun (Piolo Pascual) at Kapitan Heneral. Napalilitaw nito ang hindi inaasahang paksa sa mga hindi inaasahang kausap gaya na lamang ng pakikipagkaibigan ng una sa huli, at ang sabwatan ng pinunong dayuhan sa mga Tikbalang laban kay Bernardo Carpio. Ang daloy ng mga usapin dito ang nagpalitaw na ang hindi matalo-talong España ay isang mito, at maituturing na mito lamang talaga ang lakas Bernardo Carpio ayon sa salita ng tikbalang.

Ang Kagila-gilalas na Nilalang

Ang lakas ng pagtutulak ng mga tauhan mulang mitolohiya para baguhin ang mga kilos ng mga tauhang galing panitikan at kasaysayan para kontrolin ang kahihinatnan ng mga ito ay nakasalalay sa dalawang bagay na pinanghahawakan ng tikbalang. Ang kakayahan ng nilalang ang una, at ang tagpuan (setting) ang ikalawa. Ang mga ito ang nagdudulot ng epektibong pagkapit sa magiging tadhana nina Isagani (John Lloyd Cruz),Simoun, at Oryang.

Naging tumpak ang itinanghal larawan ng tikbalang ni Diaz mula sa pisikal na anyo nito hanggang sa mga kapangyarihan nito laban sa tao. Kung babasahin ang paglalarawan ni Edgar Samar sa aklat niyang 101 Kagila-gilalas na Nilalang (2015), ang tikbalang ay “kung minsan ay nagpapanggap din tao o kamag-anak ng bibiktimahin bago nito ipakita ang tunay na anyo, na madalas ay ikabaliw ng biktima (p.30).” Ang tatlong tikbalang (Bernardo Bernardo, Cherie Gil, Angel Aquino) ay hindi nagpakita sa hugis kabayo at nagbalat-kayo bilang mga tao upang lalong “inililigaw ang binibiktima nito na maaaring labanan ito sa pamamagitan ng pagbabaligtad ng suot na damit (p.30).”

Lumalala ang pagkakaligaw ni Isagani at Simoun, at Oryang, Cesaria, Hule, at Karyo dahil sa lawak at kapal ng gubat na pinasok nila. Ang nauna ay para maitakas ang tinutugis na filibustero, habang ang huli ay para hanapin ang mga labi ni Andres. Magkaiba ang mga pakay ngunit parehong piniling pasukin ang dilim ng kakahuyan para sa isa makabayang dahilan. Ang matagal na pananatili sa pusod ng gubat ang nagpalala sa pagkawala at lalong nagpalalim sa pagtulog ng bayan.

Ang Mito ng Paglaya ni Bernardo Carpio

Inilalahad sa pelikula ni Sebastian Caño (Ronnie Lazaro) ang plano ng mga Kolorum na palayain sa wakas si Bernardo Carpio mula sa pagkakapiit niya sa mga bundok ng San Mateo para labanan ang mga Kastila at palayain ang bayan. Ngunit ang mga tao ay naghahanap pa rin kung saan talaga matatagpuan ang bayani ng kuwentong bayang ito dahil nagapi raw siya ng isa sa mga tikblang.

Sa aklat na Pasyon and Revolution (1979) ni Reynaldo Ileto, may malalim na dahilan bakit piniling tumakbo ng Bonifacio at ng Katipunan sa bulubundukin ng San Mateo para makapagtago at para mapalapit sa pook na pinaniniwalaang kinapipiitan ni Bernardo Carpio, ang bida ng kuwentong bayan at metriko romanse nakitaan nilang malapit sa kanilang mga idea (p.102). Sa testimonya ng isang nakasama sa kuweba sa San Mateo, isinulat umano ni Bonifacio ang katagang “Panahon na! Mabuhay ang kalayaan!” na maaaring nagpapahiwatig na ng oras para magkabuhay ang kasarinlang patay o natutulog ( p.103). Dito, ang nahihimbing lamang ay si Bernardo Carpio.

Kaya naman napakalahalaga ng tagpo ng pagpupulong at ng piging dahil sa unang pagkakataon, nagkatipon-tipon (gayong waring hindi) nagkikita ang lahat ng tauhan sa iisang pook. Sa piging tila sinadya ng mga nanligaw sa na dito sila hahantong para tipunin at para muli lamang iligaw muli. Kung babalikan ang plano ng Kapitan Heneral, isang piging ang ihahanda para masupil at bitagin si Bernardo Carpio, piging na kagaya ng pinagsasaluhan ng mga tauhan. Ang paulit-ulit na pagkakaakit ng mga tao sa pagkain at karangyaan ang nagdulot ng pagsasayang walang malay na bitag din ang piging para muling mahuli ang kalayaan at ang Filipino. Si Bernardo Carpio at ang Bayan ay pareho at iisa. Ang kahihinatnan ng isa ay dadanasin din ng isa.

Ang Daloy ng Naratibo Bilang Ilog

Nabanggit na kanina na ang bahagi ng mitolohiya o kagila-gilalas ay maituturing na eksternal na pwersa dahil labas na sila sa mga totoong mga naganap sa kasaysayan ngunit sa pelikula, binigyan sila ng sapat na kapangyarihan upang magawa nilang makialam sa mga gawain ng mga tao sa daigdig ng Hele. Sila ang pasimuno ng plano laban kay Bernardo Carpio, ang lubhang pagkahapo sa pagkakaligaw nina Oryang, ang pagkamatay ni Karyo. At sa dulo, ang piging ang muling pagbagsak ng nagsisimula pa lamang na mahanap ang sarili na may tunay na kapangyarihan para palayain ang bayan.

fig.2

Fig 2

Sa pagdaloy ng ilog hanggang sa huli, matatagpuan ang dalawang tauhan, si Simoun at Oryang sa kani-kanilang balsa habang nangungumpisal sa kanilang pinagdaanang. Ang Filibustero, kahit patay na, ay nagsasalita hinggil sa kaniyang kasalanan at pag-ibig sa bayan habang nagpapadala siya sa ibabaw ng tubig. Habang ang balo, walang ibang nakita liban sa lupit ng tao sa tao sa isang impiyerno habang isinasagwan ng mga kasama ang lulan nila.

Gayong isang manliligtas ang hinahanap sa kabuuan ng pelikula, may mga pansariling paghahanap din na pasan ang mga tauhang mulang kasaysayan. Maliban kay Oryang na hinahanap ang asawang buhay o patay, nariyan din si Cesaria na hinahanap ang pagpapatawad o pagpaparusa sa kaniya, si Hule ay hinahanap ang mga supling kung nanatiling mga bata o nagsitanda na, at si Karyo naman ay hinahanap ang lunas o lason sa kaniyang kalusugan.

Ang Sinisigaw ng Sining

Naging mahaba ang palitan ni Simoun at Isagani hinggil sa silbi ng sining sa lipunan at kung ito ay nakabubuti. Hanggang maungkat nila sa pag-uusap na ang isinisigaw ng sining ay kalayaan at higit na lumalim ang pagtingin sa kalayaan nang banggitin ni Simoun na ang kalayaan ay isang idea o ideal. Dahil nag-iiba-iba rin ang Kalayaang Filipino sa pagbabago ng panahon at lumalawak  pang pangangailangan ng tao para rito.

Inihahain ng pelikula ang sarili bilang isang anyo ng sining na magtutulak tungo sa tunay na paglaya. Ihehele ng Hele ang magtatangkang manood nito at hamon ito para manatiling nakamulat at malay hindi sa pelikula, kundi sa nangyayari sa bayan. At kung maaari, sugatan ang sarili at patakan ng dayap ang hiwa sa balat, gaya sa Ibong Adarna, para hindi makatulog at maging bato. Dahil ang mabigo rito ay katumbas ng pagpapabaya sa bayang dantaon nang malalim ang tulog at ngayon pa lamang nabibigyang pagkakataon na gisingin ang sarili.

 

Mga Sanggunian

Samar, Edgar. 101 Kagila-gilalas na Nilalang. Filipinas: Adarna House. 2015. Print.

Ileto, Reynanldo. Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910. Quezon City: ADMU Press. 1979. Print.

 

 

 

 

 

Hele sa Hiwagang Hapis Movie Review | Movie Analysis | Movie Criticism

A Lullaby to the Sorrowful Mystery Film Review | Film Analysis | Film Criticism

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s