Dugo’t Dunong ng Instalado

Bilang isang science fiction, iniaangat ng Instalado ang mga suliraning panlipunang umiiral sa kasalukuyan at inilulugar ang mga ito sa mundong hindi nalalayo ngunit may posibilidad na dumating. Hindi nagkulang sa mga elemento upang bumuo ng social realist na katha ang pelikula pero nagkakaroon ng amplipikasyon upang sabayan ang takbo ng panahong binubuksan dito. Narito ang perenyal na tunggalian ng mga antas panlipunan at ang kanilang mga sentimiyento hinggil sa edukasyon. Habang sa sektor na ito, nagkakaroon ng banggaan sa hanay ng mga may alam, ang nakapagtapos hanggang kolehiyo at ang natuto gamit ang instalasyon.

Ang mga labanang ito’y nagaganap habang kasabay na nangyayari ang matahimik na pagtatapat ng nagmamalaking mga gusali ng siyudad sa background at ang taimtim na pagmamasid ng kanayunan. Ito ang tunggalian ng sentro (Metro Clark) at ang laylayan (Bukid) subalit mahirap itangging may pagbabaligtad sa posisyon ng mga lugar na itinatampok dahil mula sa taniman ay natatanaw ang lungsod ngunit nakikita ang nauna mula sa huli. Mula sa lupa ng pamilya ni Victor (McCoy de Leon) nagagawang magmukhang maliit ang sentro ng kalakal sapagkat ang pook na tumatanaw ay may ibang yamang maaaring iniaalok—yamang-tao.

Dito pumapasok ang pangangailangan ng tao sa dunong at ang kahingian ng mga kompanya sa maraming nalalaman, at pareho itong naibibigay ng instalasyon. Lumilikha ito ng malawak na pagitan sa nilagyan ng kurso at sa nagtapos ng kurso, sa pumapasok sa paaralan at sa nagbabayad ng kaalaman sapagkat pinadali nito ang mala-pabrikang sistema ng edukasyon sa bansa na hinango pa mula sa mga pabrika sa pag-usbong ng Industrial Revolution. Dito hindi na ang utak ang dumaraan sa makinarya ng eskuwelahan, sa halip, utak na ang makinang nangangailangan ng software para umandar na higit pa sa kaya ng anumang nilalang na makapag-iisip.

Ang lumalaking pagkakahating dulot ng pagdami ng mga “insta” at may nais maging tulad ng mga ito ang tinututulan ng mga tumatayo sa kaliwa. Ang naging paglalarawan sa kanila’y mga taong nag-aapuhap ng mapabuti ang mga sarili na mahirap timbangin laban sa kagustuhang paunlarin ang mga mamamayan at bayan. Sa kabila ng magiting na pakikibaka, nananaig ang indibidwalismo sa loob ng pangkat dahil sa nakaambang pagsapit ng teknolohiyang higit na maglalayo sa iba’t iobang antas ng pamumuhay.

Marahil ang iniaalok ng Instalado ay ang maipasilip ang mamumuong bagong tunggalian ng mga taong nagpapakatao laban sa mga taong nilisan ng lahat ng pakultad bilang tao. Ganito halos ang iniasal nila Arnel (Jun-Jun Quintana) at Danny (Francis Magundayao) na waring binaklasan ng paggalang sa kapuwa kapalit ng taglay na talino. Ibinababa nito ang pagtingin sa nakatatanda at naililipat sa tao ang katangian ng kalabaw dahil sa kaliwa’t kanang pagtanggap ng mga gawain mula sa amo kaya naman ituturing ding hayop ng nagmamataas na “insta.”

Ang nakatatakot sa hinaharap na mapapanbood sa Instalado ay hindi kung paano tutugon ang mga Filipino sa teknolohiya bilang isang bayan, kung tutol o sang-ayon sa hatid nitong benepisyo. Hindi rin usapin ang kakayahan ng Filipinas na lumikha at sumulong sa larang ng siyensiya o sining, gaya ng nasimulang gawin ng pelikulang ito. Ang dapat pangambahan sa hinaharap ay ang posibilidad ng tao na mawalan ng takot o pakiramdam sa harap ng tataglaying dunong. Hindi pa nasisimulan ang paglalagay ng kurso sa utak ni Victor, tuluyan na siyang nilisan ng lahat ng emosyon sa pagtatapos ng huling eksena. Tao pa siya’y mistulang robot na ang iniaasta.

 

 

 

 

 

Instalado Movie Review | Movie Analysis | Movie Criticism

Instalado Film Review | Film Analysis | Film Criticism

Leave a comment