Pagsiping sa Katunggali sa 12

Para sa kuwentong may dadalawang tauhan lamang, napupuno ng ingay ang buong bahay ng kanilang mga bulyaw at sigaw sa isa’t isa. Bahagya lamang napapahinga ang estruktura kapag natatanto nilang walang hahantungan ang ganitong anyo ng komunikasyon, kung maituturing mang ang mga iyon na ganoon. Gayong nagbubukas ang pelikula ni Dondon Santos sa katahimikan, senyal lamang ito ng pagdagsa ng nakatutulig na sagutan at panunumbat ng magsing-irog na nasa bingit ng pamamaalam. 

Ang siklo ng ingay-tahimik-ingay na nagpapahiwatig lamang na pagsubok ni Erika (Alessandra de Rossi) na kumawala sa wakas sa relasyon niya ng pitong taon. Waring nagising siya isang umagang (o mas mabuting sa katotohanang) sa loob ng mga taong iyon, kasiping pala niya ang tunay na kalaban. At ang pag-uulit ng nagaganap komprontasyon at paghingi ng tawad na nauuwi lamang muli sa pagdadahilan ni Antonio (Ivan Padilla) ay patunay na muli’t muling nagigising ang babae sa isang bangungot; na hindi siya makapipiglas nang basta sa mahigpit na kapit ng lalaking ito.

Ang realidad at bangungot ay pinatitibay ng paggamit ng matitingkad at mapupusyaw na kulay na pangunahing nagpapahiwatig ng magkaibang panahon sa relasyon. Pagbabalik-tanaw sa maligayang bahagi ng pagsasama ang mga bahaging maliwanag habang ang madidilim parte ang kasalukuyan ng dalawa. Sa kabilang panig, ang paglalaro ng dilim sa mga kulay na itim, abo, bughaw ay nagpapatibay sa idea ng patay nang relasyong ni Erika at Antonio. Ngunit habang waring lumalalim ang pagtanaw sa nakaraan, nawawalan ng halaga ang biswal na pahiwatig ng tingkad-pusyaw sa mga nasabing eksena.; kahit sa nakaraa’y may senyal ng abang kalagayan ng dalawa. Higit na nakatutulong ito upang ipamalas ang waring bangungot na kumukulong sa lunggati ng babaeng upang baguhin ang kalagayan niya sa loob ng bahay na labis-labis ang espasyo para sa dalawang tao.

Kaya mahalaga ang pagpili sa bahay na ito bilang tagpuan ng pelikula at ang silbi nito bukod sa dahilan ito ng nakaambang pagkaubos ng pera ng mga tauhan. Kahit may labis na espasyo para nagsasama sa loob nito, ito rin ang lumilikha ng pagitan sa kanila upang hindi mapansin ang kapareha at tuluyang maglayo ang damdamin. Mapagpahiwatig din ang paglipat ni Erika sa poder ni Antonio na ang bahay na ito’y dominyo ng lalaki, liban sa arkitektura nitong puno ng kanto lalo sa mga silid, kumakatawan ang bahay sa isip ng lalaking tumatangging magpaubaya sa hiling ng babae. 

Sa isang banda, ang disenyo ng produksiyon at piniling anggulo ng mga kuha ang nagsasabi sa emosyon ng bawat eksena. Tulad ng pambungad na eksena na tabinging kinunan mula sa ibabaw ng salas ang simula ng paghihiwalay ng mga tauhan. Nariyan din ang simetrikong kuha sa loob ng banyo habang nagsisipilyo ang dalawa’y ang mga sandaling kalmado lamang ang dalawa.

Hindi nagagawang iangat ng ilang kahusayan sa teknikal na aspekto ang salimuot at gulo ng suliraning ng mga mangingibig na tinatangkang tistisin ng 12. Hindi sapat ang juxtaposition dito ng bangayan at ng lambingan upang itanghal ang suliranin sa pagbabangga ng dalawang kasarian. Sa kabila ng ingay na likha ng mga pagtatalo, malaking pakinabang sana sa pelikula ang mahabang pananahimik.

 

 

 

 

 

 

12 Movie Review | Movie Analysis | Movie Criticism

12 Film Review | Film Analysis | Film Criticism

Leave a comment