Ang Hubad na Huwad sa Citizen Jake

Wala nang pagtatangkang magtago sa tabing ng sining ang pinakahuling pelikula ni Mike de Leon matapos ang labingsiyam na taong pagkawala niya sa eksena. Kung tatanawin, tahasan nang ibinibigay ang mensahe bilang protesta sa palasak na pag-iral ng itinuturing na pangahas ding katunggali. Gayong hindi sinasambit ang tunay na kalaban, hindi naman ito nangingiming banggitin ang ngalan ng diktador sa maya’t mayang pagbuubulatlat ni Jake Herrera (Atom Araullo) sa mga sala ng mga Marcos. Habang mapagmalaki pang ibinubunyag ng nakatatandang Herrera (Teroy Guzman) ang malapit niyang ugnayan sa nasirang pangulo na waring hindi man lamang nabahiran ang pangalan nito.

Wala nang ililihim sa patuloy na pagpapasingaw rito sa mga baho ng mga Marcos dahil paraan ito ng direktor, na isa rin sa mga sumulat ng screenplay, upang patuloy na tuligsain ang nagdaang bahagi ng kasaysayan. Marahil ang pasyang ulit-ulitin ito ay pagpapatanggap na totoong nangyari ang lahat ng iyon. Ngunit sa konteksto ng pelikula, waring iilang tao lamang talaga ang nakaaalam sa tunay na dulot ng pinatalsik na pamilya. Kaya naman aakalaing bunyag na lihim ang mga kabuktutang sa panahong iyon na walang pumapansin sa mga batang tauhan maliban kay Jake. 

29354572_415002895589596_2380351357500619098_oLarawan mula sa Facebook ng Citizen Jake

Patunay ang tulang binigkas ni Lucas (Lou Veloso), isang propesor ng kasaysayan, ng pagpaling sa pagiging didaktiko ng buong pelikula na maaaring kabawasan ng bisa ng paggamit ng sining upang ihayag ang dapat sana nitong maihatid. Umpisa pa lamang, parang sumusuko ang obra at ang manlilikha na mauunawaan ito ng mga manonood.

Totoo galit ang Citizen Jake gaya ng sinasabi ng ibang sumulat hinggil dito. Galit sa pang-unawa o sa labis na kakulangan nito. Pero hindi ito naglalahad lamang ng naipong sama–ng-loob sa hindi paggawa ng mga pelikula. Ang muhing ito ay sinusubok namang ikubli sa likod ng itinatanghal na metacinema, gaya ng estilong kinasangakapan ni de Leon sa Bayaning 3rd World, bilang anyo ng pagsisiyasat ng tauhan sa kalagayang panlipunan bunga ng muling umiiral na pasismo.

Screen Shot 2018-03-31 at 12.36.07 PMScreen Shot 2018-03-31 at 12.39.27 PMMga screenshot mula sa Facebook video ng Citizen Jake

Bagaman totoo ang mga naganap sa kasaysayan, ang pagpapangalan ng pangunahing tauhan na ang mga pangyayari ay nagbubura sa pagitan ng katha at katotohanan ay pagtatago ng Citizen sa mga nagaganap sa kasalukuyan. Kahit ang pakikipag-usap ni Jake sa manonood ay ang tuwiran nang pagpapamalas ng dapat sana’y natutuhan noon pa. Pinalilitaw lamang na may kakulangan sa pagpapahiwatig bilang pananampal at paggising sa diwa ng nakatulog na namang pagbabantay sa mga pangyayari. Subalit kapos ang teknik gaya ng pagtatampok sa mga bahagi ng produksiyon ng pelikula na ito sa upang pansamantalang paniwalaan ang pagsasala-salabid ng tunay at ng huwad.

Ang malinaw na ginagawa ni de Leon, ang paralelismo sa pagitan ng mga tauhan niya at sa mga tao sa lipunan ngayon na parehong nagmumula sa iisang kapangyarihan: si Marcos. Si Jacobo ang tumatayong liderato at si Jake ang taumbayan na kapuwa tumititig sa kani-kanilang uri ng kahapon. Ang matandang Herrera’y nag-aabang lamang na muling maluklok sa narararapat na puwesto gaya ng dati; ang batang Herrera’y patuloy na inaapuhap ang lumisang ina at lagi’t laging tinatanaw bilang ideal ang lumipas na panahon. Ngunit aamining niyang wala siyang pinagkaiba sa kaniyang pamilya. 

Kalakasan ng Citizen ang pagkakaroon ng malinaw na tunggalian ng mga uri sa papel ni Jonie (Adrian Alandy), ang matalik na kababata ni Jake. Binabasag dito ang malayang pagpapantasyang maibabaliktad ang sitwasyon ng tatsulok ang magkakapalit ng puwesto ang mga nasa ibabaw at ibaba. Ipinamamalas dito ang mababang antas na nagtuturo sa dapat na kinalalagyan ng isang ponyboy sa marupok na pagkakaibigan na pinatitibay naman ng kaparehong relasyon ni Jacobo sa kaniyang tauhang si Enchong (Richard Quan). Muli, hindi nalalayo sa imahen ng kaniyang mag-anak ang supling na tumatatwa sa kaniyang pinagmulan.

Kung mamasdan ang eksena sa ibaba, nakapaloob sa kuwadrong ito ang antas ng bawat tauhan. Ang magkapatid rito’y na nagtutunggalian dahil sila’y magkapantay pa’t mananatii ang ganitong status quo hanggang walang bababa o makaaangat. Samantalang ang dalawang pinasusuweldo ng pamilya Herrera’y papaliit habang papalayo sa screen at nananatiling tagapanood lamang sa komprontasyon ng naunang dalawa.Screen Shot 2018-03-31 at 12.35.47 PM

Subalit isang malaking kahinaan ng pelikula ang pagiging pilit sa salimuot ng mamamahayag upang taluntunin at gawan ng ulat ang krimeng sinapit ng kaniyang mag-aaral. Masyadong naging kuwento na sa kaduluduluhan, matutuklas niyang sangkot at babalik ang lahat sa kaniyang ama. Kinailangang sapitin ang lahat ng ito upang maipaiktang bulok hanggang buto ang sistemang pinaaandar ng mga Herrara ng mundo.

Sa isang bahagi ng pagtatalo nina Jake at Mandy (Max Collins), magsasagutan ang dalawa na “hindi ako tanga” gaya ng sagutan ng magkapatid ng Herrera sa simula. Isang itong matalinong pangungutya ng mga tauhan sa loob ng magkaibang pangyayari sa kuwento. Ngunit isa itong pailalim na pagtuya sa mga nanonood na walang muwang sa patamang ibinabato sa kanila. Ang salungat nga lamang nito’y kailangan pa ring ipaliwanag ang lahat upang maunawaan. Totoo, matapang ang pelikula pero hindi niot piniling banggitin nang may parehong diin at tono ang pangalan ng tunay nitong nais banggain: ang administrasyong ito. Marahil may paniniwala itong may natitira pa rin itong kaunting pagpapahiwatig.

 

 

 

 

 

Citizen Jake Movie Review | Movie Analysis | Movie Criticism

Citizen Jake Film Review | Film Analysis | Film Criticism

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s