Ang Tinig ng Panahon sa Ang Panahon ng Halimaw

Winawasak ng Ang Panahon ng Halimaw ang idea ng ligaya na naidudulot ng musika sa karaniwang musikal. Sa halip, pangingilabot ang nananaig sa pagkahubad ng melodiya sa bawat a capellang pag-awit ng mga tauhan. Nagbibigay ang ganitong uri ng paghawak sa awit ng mas malapit na pakikipagtalastasang nang walang tumutugtog na kahit anong instrumento. Inilalalgay nito ang atensiyon sa halaga ng salitang lumalabas sa bibig ng mga kasangkot sa pagpapalaganap ng parehong tunay at huwad na mga kahulugan na patuloy na nagtutunggali sa obra ni Lav Diaz.

Ang Sinasabi ng Di Sinasabi

Gaya ng iba likha ni Diaz, umiiral ang mga di-berbal na pagpapahiwatig ng ilang eksena at imahen na nakakalat sa loob ng apat na oras pelikula. Una sa mga ito ang paglalagay ng karatula sa bangkay ng tinatawag na rebelde; maiuugnay ito sa laganap na pagpaslang sa tinatawag na war on drugs sa kasalukuyan. Nariyan din ang paslit na nagpapalipad ng mga eroplanong papel sa isang bahagi at paglaon, ang pagdampot niya sa ikinalat na mga papel. Mahihinuhang isang anyo ito ng flashback sa pagkabata ni Hugo Haniway (Piolo Pascual) na matayog ang pangarap na dagling bumabagsak sa lupa ang mga pinakawalan sa hangin.

Samantalang nakaaagaw ng pansin ang paglitaw ng mga tauhang nakasuot ng maskara para magmukhang mga halimaw; nagpakita ang mga ito sa pagbasa ng makata sa kaniyang tula na nag-uugat pala sa kaniyang nakaraan. Marahil pagmamatyag ito ng mga ahente ng lipunan sa mga ikinikilos at opinyon ng mga tao, lalo ng mga gumagamit ng salita upang manghimok ng iba pa. Pero ang higit na kagila-gilalas, ang tagapangulo ng barangay na si Narciso (Noel Sto. Domingo) at ang kaniyang kabilaang mukha; humarap man siya o tumalikod, waring nakabantay at nalalaman niya ang lahat ng nagaganap sa kaniyang sakop. Maaaring tingnan ito bilang pagiging hunyango, isa sa mga paglalarawan sa kaniya ng mga kumokontra, ang kambal na pagiging mabuti’t mapagmalupit, depende kung sino ang kinakaharap.

201815186_5_IMG_FIX_700x700

Ang magkabilaang mukha ni Narciso. Kuha ang larawan sa http://www.berlinale.de 

Impluwensiya ng Sinasambit na Pangalan

Pinatitibay ang pagkamapangahas sa pagkakaugnay ng pangalan ng punongbarangay kay Narcissus na walang ibang pinahahalagahan maliban ang sarili niya. Pero ang Narciso dito, na mula sa mitolohiyang Griyego, ay nabighani sa sariling kagandahan. Ngunit kailangang sa itsura o kahit sa mga sinasabisa niya laging nakabaling ang mga militia sa ibaba niya at ang mga nasasakupan. Madali itong nagtatagumpay dahil sa taglay niyang doblekarang ulo.

Habang ang pangalan ng protagonistang makata ay posibleng ibinase sa manunulat na Pranses at tagapagtaguyod ng karapatang pantao na si Victor Hugo, na kilala sa kaniyang akdang Les Miserables na pinagbasehan naman ng musikal na parehong pamagat. Maaaring sa parehong tradisyongo impluwensiyang ito nagmumula ang Ang Panahon ni Diaz na tumutuligsa naman sa isyung panlipunan sa bansa.

Nagmumula namang ang pangalan ni Lorena (Shaina Magdayao), ang nawawalang asawa ni Hugo,kay Lorena Barros. At gaya ng mga naunang akdang pampanitikan at pampelikula’y nagbibigay pugay sa kinikilalang simbolo ng pagtindig laban sa di pantay na pagtrato sa mga babae. Nagiging epektibo ang pagpapangalang ito upang ipamalas na hanggang sa kasalukuyan, nananaig pa rin ang puwersang matagal nang nilalabanan ng mga gaya ni Barros.

Nakabatay naman sa panitikang  Filipino sina Paham (Bart Guingona) at Kwago (Pinky Amador) sa dalawang tauhan sa Noli ni Rizal. Sa kabila ng pagiging baligho nila, gaya ni Piliosopp Tasyo at Sisa, waring sa kanila pa nagmumula ang dunong, na kinakatawan din ng imahen ng kuwago bilang simbolo ng karunungan, na higit na kinakailangan ng ibang tauhang naiilang dumikit o kumausap sa kanila. Kaya tumindi ang pagiging tagalabas ng mag-asawang Haniway sa patuloy na interaksiyon nila sa mga itinuturing na baliw ng lipunan gayong minarapat na paslangin sila ng mga nagpapakalat na hindi totoo ang kanilang mga sapantaha.

Bisa ng Kawalang-Salita

Sa dami ng ibinigay na babala ng dalawang tauhang ito, walang naglakas ng loob na lumaban gamit ang pinagsama sanang puwersa maliban kay Hugo. Pero umaasa sa pag-awit ang kawalan ng diyalogo ng pelikula, o kaya’y ikinikilos ng mga aktor ang hindi na dapat tuwirang sabihin. Mahihiwatigan dito ang kawalan ng sariling tinig ng mga tao upang ipahayag ang pagtuligsa sa pamamalakad ng awtoridad. Isang paghaharaya kung gayon ang idaan sa pag-awit ng dapat sana’y sinasambit nilang mga opinyon dahil sa takot na masupil ng kinakalaban. Gaya ng binanggit sa itaas, nagbabanggaan ang mga salita ng tula at ng talumpati rito.

Ngunit bilang makata, itinuring na huwad si Hugo ng kaniyang mga kasama sa paghinto ng produksiyon ng bagong akda. Hindi rin maririnig ang tinig niya, tula man o awit, sa malaking bahagi ng pelikula o matapos na lumisan si Lorena. Mas madalas pang matutunghayan ang paglalasing at pagbuntong hininga kung ihahambing sa pagbabasa, pagsusulat sa papel o makinilya, at pagtatangkang ipaglaban ang pag-ibig sa dinukot na asawa. Ito ang pagkapipi ng makata sa kabila ng nangingibabaw dahas sa lipunan na tumangay sa kaniyang minamahal.

Kahit ang pasya na bumangon at hanapin ang asawa’y nanggaling pa sa mga nakapalibot sa manunulat; pagpapatindi sa kawalan niya ng sariling idea. Sa kabila ng matagal na pagkatikom, ang kuwentista (Bituin Escalante) ang tumayong tagapagsalita ng makata na maya’t mayang kasama niya mula sa pagkalasing hanggang sa aktibong pagsisiyasat sa gubat. Maituturing itong personipikasyon ng kaniyang diwang magkasabay na lumalaban at nagdududa sa sariling nagapos ng takot. Sa tulong nina Paham at Kwago, at ng tila unconscious ni Hugo, nanumbalik ang tinig at pagtindig nang mahinuha niya ang sinapit ng asawa. Gagamitin niyang muli ang bisa ng malikhaing pananalita at pagsulat upang labanan ng ikinakalat na kahuwaran at mabisang paghahanap sa totoong nangyari kay Lorena.

Screen Shot 2018-04-22 at 3.03.36 PM

Ang Kuwentista, si Paham, si Kwago, at Hugo. Kuha ang larawan sa trailer ng pelikula.

Sa kabilang panig, narito si Chairman Narcisco nagtataglay ng maraming salita na tuwing lalabas papasok siya sa eksena’y nagbubulalas lamang. Mawawaring nakikinig sa kaniya ang mga nakapaligid na taumbayan o kahit ang mga manonood sa labas ng telon; inaabangan ang mahalaga niyang sasabihin. Ngunit wala ni isa sa kaniyang binanggit, ang mauunawaan lalo’t pasigaw niyang ipinahayag ang mga iyon. Dagdagan pa ng pangingibabaw at pagsabay  awit na mga kawal. Nilulunod ang wika ng pinuno ng tinig ng koro ng militia. Kahit ang pagkawala ng subtitles sa mga bahagi ng talumpati, nagpapalakas sa kahulugan na walang kahulugan ang lumalabas sa bibig ni Narciso.

Ang Panahon ng Halimaw ay isang pagbabalik sa matanda nang tunggalian ng bisa ng panulat laban sa dahas ng sandata. Sa kabila ng epektibong pangangatwiran upang gisingin ang mga mamamayan, mananaig ang pagpapatahimik kina Paham at Kwago, at kahit kay Ahas (Joel Saracho) na madaling bumaligtad. Sa huli, matatagpuan ng makata ang hinahanap sa pagbibigay niya ng palabra de honor na magbabarili siya ng sarili gamit ang baril na iniabot ng Tenyente (Hazel Orencio). Ito ang kasunduang pansamantalang nagtulay sa salita at sandata. Nagwagi ang wika upang malahad ang kinaroroonan ni Lorena ngunit ang pagtupad sa pangako ang magpapanalo sa nakaambang dahas na ipapataw mismo ni Hugo sa sarili.

ang panahon ng halimawAng paglalahad kay Lorena. Kuha ang larawan sa http://www.berlinale.de

Ang Bisa ng Pag-awit

Sa kabuuan ng rakopera ni Diaz, may iilang elemento o titik sa magkakahiwalay na awit ang magpapaulit-ulit. Gaya ng pagpaglalarawan ni Paham kay Narciso bilang hunyango; ang pagtatanong niya sa taumbayan at kahit kay Hugo kung “kailan ka lalaban sa iyong panahon;” at kahit ang di-malay na pagbabalik sa Florante at Laura ng mga linyang ang gubat at langit ay di paraiso” ay pawang paghahamon ng pelikula sa manonood sa kalakaran sa kasalukuyan at hindi lamang sa panahon ng Batas Militar.

Ang tono o pamamaraan ng pag-awit ay karugtong ng mga tauhang sumasambit sa mga titik at may iba’t ibang ipinahihiwatig na bahagi ng paglilipat ng pabigkas na paraan patungo sa paraang pakanta.

Mapang-uyam ang Tenyente tuwing ibubuka niya ang bibig at tila masayahin ang tono ng sinasambit lalo pa’t gumagamit siya ng balbal na salita. Habang may himig ng paring umaawit ng ebanghelyo si Hugo sa kaniyang pag-awit tuwing nag-iisa’t naglilimi sa loob ng bawat espasyong lunan. Maparikala naman ang tila nagheheleng pagkanta nina Paham at Kwago habang itinatanong kung kailang lalaban ang anak bayan.

Ang matagalang pagkanta sa buong pelikula ay subersiyon hindi lamang sa genre ng musikal kundi pati sa tradisyon ng Pabasa o Pasyon tuwing Mahal na Araw. Ang pagtatagumpay ng Kristo ay nababaligtad sa pagkasawi ng mga tauhan na sagipin ang bayan lalo na sa kahihinatnan ni Hugo na hindi nagawang mahanap at iuwi ang naglahong asawa. 

31052119_2116324965074389_5272053441618949669_nSagutan ni Hugo at ng Tenyente. Kuha ang larawan sa http://www.berlinale.de

Pero higit na nangingibabaw ang koro ng militia tuwing aawiting nila ang “La la la la” na parang mga chuwariwap lamang sa saliw ng talumpati ni Narciso o kaya’y ang harap-harapang pagpapahirap at interogasyon sa mga protagonista. Ito ang madalas na lunsaran at magkasabay na pagpapalitan ng taga-awit mulang kontrabida patungo sa bida at pabalik. Pero sa pagtatapos ng palitan ng katwiran o ebidensiya ng magkabilang panig, naiiwan ang bahagi ng “La la la la” na parang isang mahabang LSS sa manonood.

Aabot hanggang sa paglabas ng sinehan ang bisa ng awit. Maririnig ang bahaging ito na tumutunog o humuhuni sa isip. Ngunit nakatatakot na ipagpalagay kung ang naririnig ay dulot ng pagtatagumpay ng katotohanan o baka dahil nanaig ang ipinakakalat ng huwad na salita.

Ang Panahon ng Halimaw Movie Review | Movie Analysis | Movie Criticism

Season of the Devil Film Review | Film Analysis | Film Criticism

Filipino Film, Film Reading, indie film, 2018, Movie Review, Cinema, Philippine Indie Film, Piolo Pascual, Sine Olivia Pilipinas, War on drugs, Philippine Cinema, Ang Panahon ng Halimaw, Bianca Balbuena, EJK, Film, Philippine History, Independent Film, Movie, Pelikula, Philippines, Season of the Devil, Human Rights, Quark Henares, Sine, Criticism, Film Review, Review, Lav Diaz, Larry Manda, Film Criticism, Globe Studios, Bradley Liew, Rock Opera, Rakopera, Shaina Magdayao, Bituin Escalante, Angel Aquino, Pinky Amador, Hazel Orencio, Joel Saracho, Bart Guingona, Noel Sto. Domingo,

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s