Ang Turo sa Tuta ng ML

Pananakot ang naging silbi ng pelikula para sa isang yugto ng kasaysayang lipas na ngunit muli’t muling nagbabadyang manumbalik sa ibang anyo’t katauhan. Sa halip na pagpapaalala at pagtukoy sa mga kasalanan ng batas militar, walang pagkatuto ang naiwan sa bahagi ng mga bata at mga mag-aaral ng kasaysayang naganap. Bagkus, ang natutuhan ng gaya ni Carlo (Labrusca) sa ipinatikim na klase ng dahas sa kanila ni Col. dela Cruz (Garcia) ay iyong pagpapakalat at pagpapatuloy ng pandarahas sa iba gayong nalaman na niya ang pakiramdam ng mawalan ng isang malapit na kaibigan sa katauhan ni Jaze (Villaraiz). Sa masamang palad, sa kamay ng nakaligtas na binata, maaaring walang tigil ang mga pamamaslang at kakailanganin niyang timbangin ang magiging pasya. Ito ang pagganti sa dinanas sa dating sundalo na parang asong mangangagat sa estrangherong nanadyak sa kaniya.

Kaya makapangyarihan ang pambungad na eksena ng pagkitil sa kumakahol na asong inakit sa pamamagitan ng pagpapakain sa loob ng bakuran ni dela Cruz. Iyon pala’y hahatawin ng martilyo ng matanda sa ulo habang okupado sa pagngasab. Maaaring tingnan ito sa magkakaibang antas.

Una, ang sinapit ng aso sa kamay ng koronel ay foreshadowing ng mangyayari sa iba pang tauhan. Ang paglapit at pagkaho nito kay dela Cruz ay hindi awtomatikong pag-atake sa tao ang kahulugan at patunay dito ang paglapit upang makakain lamang sa inialok na kaning-hayop.Ganito rin ang kahulugan ng paglapit ni Carlo, na may intensiyong matuto mula sa pakikipagpanayam, bilang pag-abot ng kabataan sa nakatatanda upang matuto sa nakaraang kinakatawan ng dating sundalo. Pero lahat o anumang anyo ng paglapit sa matanda rito ay inaakalang pag-atake sa kaniya at sa nakaraang matagal niyang ipinagtanggol.

ML

Ang patagong paghampas ni Col. dela Cruz sa aso. Kuha ang larawan mula sa trailer ng pelikula sa Youtube.com

Ikalawa, kung ihahambing sa kasaysayan, ganito ang ginawa noong panahon ng martial law sa bansa. Inihahain ng pamahalaan sa mamamayan ang isang katotohanang kailangang sikmurain habang sa likod ng huwad na pamamalakad, pinapaslang ang mga Filipinong tumatangging makisalo sa mala-hayop na pagtrato sa kanila at naghahanap ng iba at higit na maayos na pamamahala. Nangangahulugan ito na ang pamamaraan ng pagpapatakbo ng gobyernong Marcos ay maitutumbas sa pagiging hayop dahil nagagawa at natitiis nila ang masahol na pagturing sa mga tao.

Ikatlo, ang namayagpag na mal-edukasyon ng mga tao matapos ang batas militar ay maihahambing sa pagpatay ng isang amo sa kaniyang aso’t alagang hindi na maturuan ng mga bagong tricks. Kaya’t ang tanging magagawa na lamang ay paslangin pa ito dahil hindi na makasunod sa bago. At sa pelikulang ito, si dela Cruz ang matandang aso na walang pagkakatandaan dahil hindi na marunong tumanggap ng pagkakamali.

Kaya ang transisyon mula sa ipinahihiwatig ng paghampas sa hayop papunta sa loob ng silid-aralan ng isang pribadong kolehiyo ay napakahalaga. Ang mga estudyante ang mga tuta na puwede pang turuan hinggil sa mga pagkakamali ng mga nauna sa kanila. Mahahalatang mga millenial ang mga batang ginagampanan ng mga aktor, at ang punto ng ML ay ipamalas ng tuwiran sa kanila, lalo sa mga makakapanood nito, kung anong karimlan ang hindi nila dadanasin sa kasalukuyan ngunit lumukob sa libo-libo, kabilang ang mga kabataan noon. Pero hindi sapat ang lekturang ibinigay ng guro (Lorenzo) dahil didaktiko at sentimental ang kaniyang panayam sa mga bata. Subalit ang takdang iniwan niya ang magdadala kay Carlo upang magsiyasat nang mas maayos, bagaman hindi gaanong malalim, upang malaman ang mga tunay na naganap sa tinutukoy na panahon.

Naging virtual na fieldtrip sa dekada ’70 hanggang ’80 ang susunod na mga pangyayari para sa kaniya at sa mga kaibigan. Ang hindi maituturo ng aklat at silid-aralan, ibinibigay ng totohanang pagdanas sa iba’t ibang uri ng torture method na kumitil din sa maraming kabataan noong mga dekadang iyon. Ito, sa konteksto ng pelikula, ang tanging paraan upang tumimo at maipatanggap sa mga tumalikod sa totoong pagpapahirap sa likod huwad na panahon ng disiplina at pag-unlad na inihain ng diktaturya at ng rebisiyonismong ipikakakalat ngayon.

Mahalaga sa puntong ito ang pagkakaroon ng alzheimers ng koronel dahil ipinahihiwatig nito ang madaling pagkalinot sa nakararami sa ating mga Filipino, sa paglipas ng mga taon, lalo ng mga nakatatandang napasailalim ng martial law. madali na nilang masabi ang mga positibong dala ng pagbababa ng deka-dekadang pamumuno ng militar, na tila walang nangyaring madilim sa bansa.

Politikal ang pelikula, lalo sa pagpapakita ng huling hantungan ng namatay na korone sa Libingan ng mga Bayani, kasama na ngayon ng patay nang diktador. Pero lalo pa itong nagiging politikal sa pagpapasok nang pilit sa usapin ng EJK at tokhang na halata namang pinatutungkulan kahit hindi na banggitin o ipakita ng pelikula.

Higit pang epektibo ang ipinahihiwatig na kinahantungan ni Carlo matapos ang lahat ng ginawa sa kanila. Natutuhan na niya kung ano ang pakiramdam ng biktima ng human rights violation na hindi pinaniniwalaan gaya ng pagtalikod ng marami sa atin sa masamang layunin ng batas militar noon. Ang galit na namuo sa kaniya dahil dito ang nagtulak upang yakapin ang parehong dahas na natutuhan niya sa matanda. Ang kalakasan ng eksenang iyon, nang wala na siyang inabutang buhay na koronel upang mapaslang niya sapagkat namatay sa pagtulog, ay umuugong sa kasalukuyan. Ito ang pagpapalit ng mga bagong berdugo sa mga matagal na nagpatupad ng kamatayan sa marami, at tayo, gaya ni Carlo na natigilan sa kaniyang pagtatangka, ang magpapatuloy o tuluyang titigil sa paglaganap ng dahas na ipinamamana sa atin.

 

 

 

 

 

ML Movie Review | Movie Analysis | Movie Criticism

ML Film Review | Film Analysis | Film Criticism

Leave a comment