Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon sa Panahon ng Tag-ulan

Sa isang banda, ang obra ni Carlo Enciso Catu, ay waring isang re-telling ng nobelang Love In The Time of Cholera ng Nobel laureat na si Gabriel Garcia Marquez. Pero sa halip na ang lalaking sawi (Florentino Ariza) sa pag-ibig ang maghintay sa sandaling magiging malaya ang iniirog (Fermina Daza) sa loob ng mahigit limampung taon mula sa banang doktor (Juvenal Urbino), sa pelikula, ang manggagamot ang nananabik sa panahong mapapakasalan na niya ang kinakasama sa loob ng magtatatlong dekada. Maganda ang muling paghaharaya sa ganitong uri ng kuwento, pumapaksa sa isang anyo ng love triangle na iniaangkop at maaaring umiiral sa mga matatawag nang senior citizen. Dahil aminin natin, anumang gulang ay nagmamahal dahil eternal ang pag-ibig.

Gayunman, para sumapit ang panahong tinutukoy, kailangang mataon ang hindi sinasadyang karamdaman ni Bene (Dante Rivero), upang manumbalik ang kaniyang presensiya sa buhay ng ipinatawag na asawang si Tetang/Tere (Perla Bautista) na muling mapauuwi sa kanilang dating tahanan. Ang paghaharap nila ang magbubukas sa pagdaluyong sa kung ano ang sila noon bilang mag-asawa sa ilalim ng pamilyar na silong na iyon bago tuluyang naging estranghero sa isa’t isa. kasabay nito ang pagdating din naman ng pag-ulang magdadala ng magkakaibang lakas at pagbugso at pagbaha.

Sa mga pagkakataong may bagyo, mapapansing nananatiling nakatindig pa rin ang bahay na yari sa kahoy kahit maiiwan itong putikan at may marka ng tulo ang kisame’t sahig. Maihahambing si Bene sa kaniyang tinitirhan, na kahit luma, nakatatayo sa kabila ng mga panahon gaya ng ama na dapat manatiling haligi ng tahanan. Iyon nga lang, unti-unti nang nauubos ang nilalaman nito sa pagbebenta sa mga muwebles at kasangkapan. Kung paanong siya ri’y basyo na lamang ng dati niyang sarili sa pag-iisa mula nang itaboy ang misis at anak. Sa loob ng dalawampu’t pitong taon, nanatili siyang nagpapakatatag, pinaninindigan ang kaniyang desisyon.

KPHD_1-8-1Mula sa http://www.cinemalaya.org/kung-paano-hinihintay-ang-dapithapon-waiting-for-sunset/

Bukod sa baha, mapagmamasdan sa magkakaibang pagkakataon ang presensiya ng tubig sa magkakaiba nitong anyo at laki. Nariyan, unang-una ang pagdura ng magkahalong dugo’t laway ni Bene, pagpapahiwatig ng masamang lagay ng kalusugan niya. Ang basong tubig na nakahain nang unang dumalaw si Tetang na tutumbasan din naman niya dalawang tasang kapeng inihanda para sa agahan nila ni Celso (Cobarrubias) na nagpapakita ng tila magkapantay na pag-aalaga sa magkaibang lalaking inibig/iniibig. Pahapyaw namang babanggitin ni Celso, ang nalalamang hinggil sa 70% ng tubig na nilalaman ng bawat katawan at ang balintunang kahit ganoon, malulunod ang kahit sinong hindi marunong lumangoy. Ginamit din ang tunog ng walang tigil na pagpatak sa loob ng bahay upang ipahiwatig ang laging nagbabadyang paninira ng tubig.

Ang pagragasa ng ulan at baha ay hindi katulad ng pagbabalik ni Tetang sa pamamahay nila dati. Hindi siya bagyong tatangay sa anumang natitira sa asawa. Higit itong inilalarawan ng paghihilamos ng babae sa nakaratay na lalaki gamit lamang ang bimpo at batsa ng tubig. Bagaman luma ang papel ng mga kasariang ipinamamalas dito, gaya ng pagpapaligo ni Bona sa kaniyang amo sa pelikula ni Brocka, masasabing mas malakas si Tetang dito kaysa kay Bene. At patutunayan pa ito ng pagiging tapat ng karakter ni Bautista nang walang pagkikiming aaming “Kaya ako narito dahil kaya na kitang harapin. Dahil hindi na rin kita mahal.” Napakalakas ng epekto gayong malumanay ang pagkakabitaw sapagkat mahihiwatigang hindi kailangan ang pag-ibig ng lalaki para patunayang mahalaga ang babae.

Ito ngayon ang naipo-project sa anak ni Celso na si Marisa (Ramos) na nasa bingit naman ng pakikipaghiwalay sa sariling mister. Kahit ang ama pa niya ang nagbibigay ng payo, malay ang tatay, sa paraan niyang nakatutuwa at waring hindi seryoso, na ang disposisyon ng madrasta sa mga relasyon ang dapat maging modelo ng kaniyang supling. Hindi dapat umabot sa melodramatiko ang paghawak sa pag-aasawa. Ito para sa akin ang isang kalakasan ng pelikula dahil sapat ang pagtangan sa materyal, hindi kinakailangang humantong sa de-kahon at gasgas nang mga teknik na karaniwan sa mga love triangle na kuwento.

Love triangle ito pero hindi nito ipinadama ang bigat na dinadala nito. Hindi matatagpuan dito ang sigawan at pananakit sa isa’t isa. Marahil dahil tigulang ang mga tauhan kaya nararapat din mature ang pananaw ng mga tauhan at ang paghawak nila sa pag-ibig sampu ng lahat ng salimuot na kaugnay nito. Pero ipinamamalas din nito ang maturity ng panulat ni John Carlo Pacala upang ilarawan sa atin ang ganitong anyo ng pag-ibig na hindi madamot o seloso sa harap ng taong iyong papalitan sa puwang ng puso. Mapagpahiwatig ang pelikula pero hindi nito ipinahihiwatig ang mga maliliit na pinagmumulan ng mga away-mag-asawa. Sa halip, harapan itong tinatalakay ng mga kasangkot sa relasyon.

Narito ang pag-ibig ng lalaki para sa kapuwa lalaki nang dahil sa tunay niyang iniirog na si Tere. Iyong tipo ng pagmamahal na mapagmalasakit sa harap ng unang minahal, sa kabila ng pagpapalit ng kapiling o kinakasama. Ang nakapagpagaan sa dapat sana’y mabigat na paksa’y ang pagiging bukas ng tatlo sa pagkakaibigan nang walang tensiyon sa pagitan nila.

MV5BZDg3M2U5M2QtNzFhNS00OGFlLWI5N2YtNzhjYmIxYTAwOGZkXkEyXkFqcGdeQXVyNTI5NjIyMw@@._V1_Mula sa https://www.imdb.com/title/tt8661062/mediaindex?ref_=tt_pv_mi_sm

Marahil ang tanging tensiyonadong bahagi lamang dito’y ang muling pagkikita nina Bene at Chito (Sarmenta), ang tanging supling na una kay Tetang. Ngunit ang pagtatangkang harapin ng bata ang kaniyang ama ay isang anyo na rin ng pag-ibig. Sa eksenang ito rin tanging nagpakita ng luha sa pelikula sa napakahusay na pagganap ni Romnick Sarmenta gayong sandali lamang siyang mapapanood. Ipinauunawa sa dinamiko ng mag-ama ang pag-aalangan ng anak na lumagay sa tahimik dahil sa kaniyang danas sa sariling pamilya sa kaniyang kabataan. Sa paglipas ng bagyo’y baha, may kung anong matatangay sa pagitan nilang dalawa, hudyat ng pagtatapos ng tensiyong ito.

MV5BNWE3NTljNTUtYjQxNi00MjY0LWFjNjEtNzRhOWZhNWQyOTQxXkEyXkFqcGdeQXVyNTI5NjIyMw@@._V1_SY1000_SX1500_AL_Mula sa https://www.imdb.com/title/tt8661062/mediaindex?ref_=tt_pv_mi_sm

Natatangi ang pelikula hindi lang dahil pinagbubuklod dito ang mga naghiwalay na kundi, dahil napagsasama rito ang mga magkakatunggali dapat sa pag-ibig. Ipinatatanaw sa atin na gaya ng tubig, may iba’t ibang anyo at laki ang pagmamahal. May marumi, may mainit, may nakalulunod, at may nakalilinis. Lahat ng pagmamahal na iyon dadaanan at dadaanan ng mga unos. At lahat din ng iyon, hinihintay lang na tumila at maging payapang muli ang tubig tulad sa baybáyin ng dagat habang pinanonood ang pagsapit ng dapithapon ng buhay, ang pagiging ganap ng hinihintay na pagsasamang lubos.

 

KPHD_1-10-1Mula sa http://www.cinemalaya.org/kung-paano-hinihintay-ang-dapithapon-waiting-for-sunset/

 

 

 

 

 

Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon Movie Review | Movie Analysis | Movie Criticism

Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon Film Review | Film Analysis | Film Criticism

Waiting For Sunset Film Review | Film Analysis | Film Criticism

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s