Mula sa Bintana ng Kita Kita

A man sees what he wants to see…and disregards the rest.
Paul Simon, The Boxer

Inilalahad ang lahat ng pangyayari nang hindi hinahayaang kumurap ang mga mata ni Lea (Alessandra de Rossi) sa pagbubukas ng pelikula. Ang imahen ng mulat na paningin ang naging lagusan ng nanonood upang marahan siyang kilalanin ngunit lingid sa pansin, kumikilos ang oras para sa tour guide. Nagpapahiwatig na anumang sandali, may magbabago sa kalagayan niya. Isa sa malaking pagkakaibang mangingibabaw ang pagpiling manatili sa dilim, sa lilim ng piring na siya mismo ang magsusuot.

Nilalaro ng Kita Kita ang pamagat upang sabihing may dalawang perspektibong matutunghayan na magbibigay liwanag kung paano unang nagtagpo sina Lea at Tonyo (Empoy Marquez). Unang bahagi ang pananaw ni Lea at masusundan ang pagkasawi niya sa pag-ibig at ang dulot nito sa kaniyang paningin. Dito, bagaman gumagana pa ang mga mata’y bulag naman siya sa pananakit ng nobyo at kaibigan, kaya hundi inaasahan ang bubungad na pagtataksil. Habang kay Tonyo ang ikalawang pananaw na ikukuwento gamit ang pagliham. Maaaring tanaw niya lahat ng naganap sa paligid ni Lea ngunit mahing siya’y walang ibang pinaglaanan ng atensiyon at pag-aalaga maliban sa bagong kakilalang kabayan.

Nagkakaroon ng projection mula sa panig ni Tonyo patungo kay Lea gayong wala ang pisikal na presensiya ng lalaki. Gamit lamang ang mga wika, matagumpay na nailipat ng nauna ang mga nasaksihan niya at sa sandali ng pagbabasa, nailagay ng huli ang sarili sa perspektibo ng lumiham. Kung sa umpisa’y sa salamin natititigan ng nabulag ang sarili, ang pagsilip niya mula sa bukas na bintana ng bahay ni Tonyo ay lumilitaw na pagkakaroon ng aksesibilidad na tanawin ang dating sarili na may distansiya sa kabilang panig ng kalsada. Naiwan itong bukas kahit wala ang may-ari ng bahay upang patunay na hindi magsasara ang ganitong pagkilala para kay Lea.Ipinababatid sa protagonista ang kaniyang halaga, buo man o kulang, para ituring din ito sa sarili.

Kahit hindi nagkaroong ng pagkakataong magpalitang ng tingin ng dalawa, kung mayroon man ay mula sa malayo, nagsilbi pa ring bintana ang mata para makilala ni Lea si Tonyo. Sa halip na tumingin mula sa labas, tumitingin siya paano nakita ng isa ang lahat. Hindi na lamang pansamantalang nahihiram ni Lea ang pananaw na ito kundi, tuluyang aangkinin ang natutuhan tungkol kaibigan at ang pakiramdam tungo sa kaniya. Tulad sa Johari window, malaking bahagi ng sarili ang  natutuhan niya upang tanggapin ang mga pagbabagong dulot o sanhi ng pagkawala ng paningin. Kung babalikan ang pagpiring sa mata, marahil ay pinipiling gawin upang kahit paano’y buhayin ang diwa ni Tonyo, at paglusong ni Lea sa bahagi ng sariling hindi batid ninuman.

Kita Kita Movie Review | Movie Analysis | Movie Criticism

Kita Kita Film Review | Film Analysis | Film Criticism

Leave a comment